Monday, August 18, 2014

Interaksyon ng Tao sa kanyang Kapaligiran


Simula pa ng sinaunang panahon ay mahalaga na ang ginampanan ng ating kapaligiran sa pamumuhay ng mga tao. Ang kapaligiran natin ay isang mahalagang aspekto ng ating kasaysayan.  Mula sa pagkabuo ng mga sinaunang kabihasnan, hanggang sa iba’t ibang klase ng pamumuhay ng mga tao base sa kanyang kapaligiran, hanggang sa mga estratihiyang mga tagumpay ng mga tao sa mga digmaan dahil sa kanilang heograpiya. Dahil sa ating kapaligiran, sa ating kalikasan ay naging matagumpay at moderno ang mga tao.
 
Ngunit habang tumatagal ay mas-inaabuso ng mga tao ang kalikasan. Habang tumataas ang populasyon ng mga tao sa buong mundo ay tumataas ang demanda ng mga tao sa mga likas na yaman. Dahil dito ay nakakalbo na ang mga bundok at kagubatan dahil sa labis na pagputol ng mga puno. Isa pang dulot ng labis na pagtaas ng populasyon ay ang pagtindi ng ating suliranin sa polusyon. Dahil sa mga problemang ito ay nagaganap na ang tinatawag nating Global Warming at Climate Change, at kung magpatuloy pa ito ay labis na maghihirap ang mga tao at maraming magaganap na masama, hindi lamang sa ating kapaligiran kundi pati narin sa mga nabubuhay na organismo na nakatira rito.
 
Dapat nating matutunang pangalagaan ang ating kapaligiran, dahil dito tayo nakadepende. Hindi sapat na magkaroon lamang tayo ng tamang batas, kailangan din ng mga tao ng disiplina, upang gumawa ng tama at sumunod sa mga batas. Sa bawat punong pinuputol ay dapat pinapalitan ito ng isa o dalawang mga maliliit pa na puno. Ang mga basura naman ay dapat itapon sa tamang lugar, hindi kung saan-saan tulad ng ilog. At ang huli ay dapat mas maging aktibo ang mga mamamayan at tumulong sa paglinis ng kapaligiran.
 
Napakahalaga ng ating kapaligiran sa ating lahat, ngunit bakit hindi natin ito pahalagahan?  Dapat nating pahalagahan ang ating kapaligiran dahil dito tayo nakatira, dito tayo lumaki, at dito tayo nagsimula bilang mga mangmang na tao, hanggang sa maging sibilisado tayo. Dapat kumilos na tayo, habang hindi pa huli ang lahat.